07/05/2026
𝐁𝐚𝐤𝐢𝐭 𝐡𝐢𝐧𝐝𝐢 𝐬𝐢𝐧𝐚𝐬𝐚𝐠𝐨𝐭 𝐧𝐢 𝐑𝐞𝐜𝐭𝐨 𝐚𝐧𝐠 𝐦𝐠𝐚 𝐭𝐚𝐧𝐨𝐧𝐠 𝐭𝐮𝐧𝐠𝐤𝐨𝐥 𝐤𝐚𝐲 𝐆𝐚𝐫𝐝𝐢𝐨𝐥𝐚?
Sa aking kababayan Ryan Santos Recto: Sinabi mo na hindi totoo ang sinabi ko tungkol kay Secretary Ralph Recto at Governor Vilma Santos, pero bakit hindi mo binanggit si Congressman Edwin Gardiola?
Totoo ba ang aking speech tungkol kay Gardiola at gumastos ba siya para sa kampanya ninyo at ni Gov. Vilma? Dahil ang aking speech ay tungkol sa koneksiyon ng mga Recto at Gardiola. Kung iniwasan mong banggitin si Gardiola, hindi nasagot ang laman ng aking speech.
Sa dami kasing pictures at videos, nakikita na kasama ninyo si Gardiola sa kampanya, at nasabi rin niya na siya umano ay gumastos. May Facebook post din si Gardiola tungkol sa pagpupulong nila ni Ralph Recto upang pag-usapan ang “mga kalsadang magdudugtong sa buong [Batangas].”
Kaya nais ko ring itanong kina ES Ralph at Gov. Vilma, kung bakit madalas manalo sa biddings sa Batangas at Lipa ang mga kompanyang konektado kay Gardiola, na inimbestigahan ng ICI bilang isa sa mga pinakamalaking contractor sa Kongreso?
At totoo po ba ang mga ulat na may koneksiyon ang mga Recto at Gardiola sa Refresh Gaming na STL operator ng Batangas, kasama si San Juan Vice Mayor Anthony Marasigan?
Hinihiling ko sa Kongreso na magbigay ng panahon upang mas mahimay pa ang mga koneksiyon ng Executive Secretary ng Republika ng Pilipinas at Governor ng Batangas kay Congressman Gardiola.
Patuloy kong ginagawa ito–kahit may mga nagsabi na gagamitin ni Recto ang kanyang kapangyarihan laban sa akin–dahil malapit nang matapos ang panahon ni Recto, pero hindi dapat matapos ang pagsusuri ng koneksiyon ni Gardiola kay Recto.